Paniniwala sa Diyos (bahagi 3 ng 3)

(III) Ang Nag-iisang Diyos ang may Karapatang Pag-alayan ng Pagsamba

Ang Islam ay labis na nagbibigay-diin sa kung paano naisasalin ang paniniwala sa Diyos sa pagkamatuwid, masunuring pamumuhay at mabuting moralidad kaysa sa patunayan ang Kaniyang pag-iral sa pamamagitan ng teolohikal na pamamaraan. Kaya naman, ang sawikain ng Islam na kung saan ang pangunahing mensahe nito na siya namang ipinangaral ng mga propeta ay ang pagsuko sa kalooban ng Diyos at ang pagsamba sa Kanya at mangilan-ngilang katibayan sa pag-iral ng Diyos:

"At Kami ay hindi nagpadala ng alinmang sugo na una sa iyo (O Muhammad) malibang Kami ay nagpahayag sa kaniya na: "Walang ibang Diyos maliban sa Akin, kaya Ako ay inyong sambahin (wala ng iba)." (Quran 21:25)

Ang Diyos ang may nabubukod-tanging karapatang sambahin maging sa panloob man at panlabas, sa pamamagitan ng puso at katawan ng isang tao. Hindi lamang na sila ay di maaring sumamba sa iba bukod sa Kanya, lubusang walang ibang nilalang ang maaaring sambahin na kasama Niya. Wala Siyang mga kasosyo o kasamahan sa pagsamba. Ang pagsamba, sa malawak na kahulugan nito at sa lahat ng aspeto nito, ay para lamang sa Kanya.

"Walang ibang tunay na karapat-dapat sambahin maliban sa Kaniya, Ang Pinaka Maawain, at Pinaka Mahabagin." (Quran 2:163)

Ang karapatan ng Diyos sa pagsamba ay hindi ito kalabisan. Ito ang mahalagang kahulugan ng patotoo ng Islam sa pananampalataya: La ilah illa Allah. Ang isang tao ay nagiging Muslim sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa banal na karapatan sa pagsamba. Ito ang pinakabuod ng paniniwala nang Islam sa Diyos, maging ang lahat sa Islam. Ito ang pinakamahalagang mensahe ng lahat nang propeta at sugo na ipinadala ng Diyos - ang mensahe nina Abraham, Isaac, Ismael, Moises, ang mga propeta sa Hebreo na si Hesus, at Muhammad, mapasakanila nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos. Isang halimbawa, ipinahayag ni Moises:

"Dinggin, O Israel; Ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon." (Deuteronomio 6:4)

Iniulit naman ang mensaheng ito ni Hesus pagkaraan ng isang libo at limang daang (1500) taon noong kanyang sinabi:

"Ang una sa lahat ng mga kautusan ay, ‘Dinggin, O Israel; Ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon.’" (Marcos 12:29)

At pinaalalahanan si Satanas:

"Humayo ka, Satanas! Sapagka't nasusulat: Sambahin ang Diyos na iyong Panginoon, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran." (Mateo 4:10)

Sa huli, ang panawagan ni Muhammad noong ika-600 na taon pagkatapos ni Hesus ay umalingawngaw sa mga burol ng Makkah :

"At ang inyong Diyos ay nag-iisang Diyos: walang ibang Diyos maliban sa Kaniya…" (Quran 2:163)

Malinaw nilang ipinahayag ang:

"…Sambahin ang Diyos! Wala kayong ibang Diyos kundi siya …" (Quran 7:59, 7:65, 7:73, 7:85; 11:50, 11:61, 11:84; 23:23)

Ano ang Pagsamba?

Ang pagsamba sa Islam ay kinapapalooban ng bawat pagkilos, paniniwala, pahayag, o damdamin ng puso na inaaprubahan at minamahal ng Diyos; lahat ng bagay na magpapalapit sa isang tao tungo sa kaniyang Tagapaglikha. Kabilang dito ang 'panlabas' na pagsamba tulad ng araw-araw na mga ritwal na panalangin, pag-aayuno, kawang-gawa, at pilgrimahe pati na rin ang 'panloob' na pagsamba tulad ng pananampalataya sa anim na saligan ng pananampalataya, pagpipitagan, marapat na pagsamba, pagmamahal, pasasalamat, at pag-asa. Ang Diyos ang may karapatang sambahin sa pamamagitan ng katawan, kaluluwa, at puso, at ang pagsamba na ito ay nananatiling hindi kumpleto maliban kung maganap ito sa apat na mahahalagang bahagi: kapita-pitagang pagkatakot sa Diyos, sagradong pag-ibig at pagsamba, pag-asam sa banal na gantimpala, at matinding kapakumbabaan.

     Isa sa mga pinakadakilang gawain ng pagsamba ay ang panalangin, nananawagan sa Sagradong Nilalang para sa pagsaklolo. Tinutukoy ng Islam na ang panalangin ay nararapat lamang ituon sa Diyos. Siya ay itinuturing na ganap na may kontrol sa tadhana ng bawat tao at kayang ipagkaloob ang kaniyang mga pangangailangan at alisin ang pagkabalisa. Ang Diyos, sa Islam, ay inilaan ang karapatan sa panalangin sa Kanyang sarili:

"At huwag kang manalangin sa iba bukod kay Allah, anuman na hindi makabubuti sa iyo o makapipinsala sa iyo, sapagkat, kung gagawin mo ito,  katotohanang ikaw ay mapabibilang sa mga mapaggawa ng kamalian!" (Quran 10:106)

Ang pagbibigay sa sinumang nilalang tulad sa - mga propeta, mga anghel, Hesus, Maria, diyus-diyosan, o kalikasan - nang bahagi ng pagsamba ng isang tao, na kung saan ay nararapat na maging angkop lamang sa Diyos, tulad ng panalangin, ay tinatawag na Shirk at siyang pinaka malaking kasalanan sa Islam. Ang Shirk ay ang tanging walang kapatawarang kasalanan kung hindi ito pagbabalikang-loob, at tinatanggihan nito ang pinaka layunin ng paglikha.

(IV) Ang Diyos ay Kilala sa Kanyang Pinaka Magagandang mga Pangalan at Katangian

Ang Diyos ay kilala sa Islam sa pamamagitan ng Kanyang magagandang mga Pangalan at Katangian na kung saan sila'y makikita sa inihayag na mga teksto ng Islam na walang katiwalian o pagkakaila sa kanilang malinaw na kahulugan, paggunita sa kanila, o pag-iisip sa mga ito sa salita ng tao.

"At ang Pinaka Magagandang Pangalan ay pagmamay-ari ni Allah, kaya't manawagan kayo sa Kanya sa pamamamagitan ng mga ito…" (Quran 7:180)

Samakatuwid, hindi angkop na gamitin ang Unang Sanhi, May-akda, Substansiya, Purong Pagkamaka-ako, Wagas, Personal na mga Ideya, Makatwirang Konsepto, Lingid, Walang Malay, Pagkamaka-ako, Ideya, o Malaking Tao bilang banal na mga Pangalan. Sila lamang ay kawalan ng kagandahan at hindi ganoon ang paglalarawan ng Diyos sa Kanyang sarili. Sa halip, ang mga Pangalan ng Diyos ay nagpapakita ng Kanyang kagila-gilalas na kagandahan at kasakdalan. Ang Diyos ay hindi nakalilimot, natutulog, o napapagod. Siya ay makatarungan, at walang anak, ina, ama, kapatid, kasamahan, o katulong. Hindi Siya ipinanganak, at hindi Siya nanganak. Siya ay tumitindig nang walang pangangailangan sa iba dahil sa Siya ay perpekto. Hindi siya naging tao upang "unawain" ang ating pagdurusa. Ang Diyos ay ang Pinaka Makapangyarihan (Al Qawee), ang Walang Kapantay (Al-'Ahad), ang Tumatanggap ng Pagbabalik-loob (At-Tawwaab), ang Pinaka Mahabagin (Ar-Raheem), ang Laging nang Buhay (Al-Hayy), ang Tagapag-Taguyod (Al-Qayyum), ang Ganap na Maalam (Al-'Aleem), ang Nakadidinig ng Lahat (As-Samee ), ang Nakakakita ng Lahat (Al-Baseer), ang Ganap na Nagpapaumanhin (Al-'Afuw), ang Ganap na Tumutulong (Al-Naseer), ang Gumagamot sa lahat ng Sakit (Ash-Shaafee').

Ang dalawang pangalang pinakamadalas na gamitin sa panalangin ay "ang Pinaka Maawain" at "ang Pinaka Mahabagin." Ang lahat ng kabanata sa banal na kasulatan ng Muslim maliban sa isa ay nag-uumpisa sa pangungusap na "Sa Ngalan ng Diyos, ang Pinaka-Maawain, at ang Pinaka- Mahabagin,". Ang pangungusap na iyon ay karaniwang mas ginagamit ng isang Muslim kaysa sa mga pangalang Ama, Anak at Espiritu Santo na madidinig sa mga panalangin ng mga Kristiyano. Ang mga Muslim ay nag-uumpisa sa Ngalan ng Diyos at pinaaalalahanan ang kanilang mga sarili sa Awa at Habag ng Diyos sa oras ng kanilang pagkain, pag-inom, pagsulat ng liham, o pagsagawa ng mga mahahalagang gawain.

Ang pagpapatawad ay mahalagang sukatan ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Ang sangkatauhan ay kinakailangang mapagtanto na sila ay mahina at madaling magkasala, subali't ang Diyos sa Kanyang magiliw na habag ay handang magpatawad. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi:

"Ang Awa ng Diyos ay nahihigitan nito ang Kanyang poot." (Saheeh Al-Bukhari)                

    Kasama ng mga banal na pangalang "Ang Pinaka Maawain" at "Ang Pinaka Mahabagin," ay ang mga pangalang "Ang Pinaka Mapagpatawad" (Al-Ghafur), "Ang Laging Nagpapatawad" (Al-Ghaf-far), "Tumatanggap ng Pagbabalik-loob" (At-Tawwab), at "ang Ganap na Nagpapaumanhin" (Al-'Afuw) na kung saan ay kabilang sa mga madalas gamitin sa panalangin ng Muslim.

Piliin ang iyong Lenguahe