Ang Ihsán o ang Kagandahang-loob. Ito ay may iisang sandigan. Ito ay ang sambahin mo si Allah na para bang ikaw ay nakakikita sa Kanya, at kung hindi mo man Siya nakakikita ay tunay na Siya ay nakakikita sa iyo. Kaya sasambahin ng tao ang Panginoon niya ayon sa paglalarawang ito: ang pagsasaisip ng pagkalapit sa Kanya at na Siya ay harapan niya. Iyan ay nag-oobliga ng takot, pangamba, pangingilabot at pagdakila at nag-oobliga ng katapatan sa pagsamba at pag-uukol ng pagsisikap sa pagpapahusay at paglubos nito.
Samakatuwid, ang tao ay matatakot sa Panginoon niya sa pagganap sa pagsamba. Isasaisip niya ang kalapitan niya sa Kanya nang sa gayon ay para bang siya ay nakakikita sa Kanya. Ngunit kung naging mahirap sa kanya iyon ay magpapatulong siya [kay Allah] sa pagsasakatuparan niyon sa pamamagitan ng pananampalataya niya na si Allah ay nakakikita sa kanya at nakababatid sa lihim niya at inihahayag niya, sa panloob niya at panlabas niya. Walang naikukubli kay Allah na anuman sa pumapatungkol sa tao.(1)
Ang tao na nakaabot sa antas na ito ay sumasamba sa Panginoon niya, na nag-uukol ng kawagasan sa Kanya. Hindi siya lumilingon sa isang iba pa kay Allah. Kaya naman hindi niya hinihintay ang pagbubunyi ng mga tao at hindi siya natatakot sa pamumula nila yamang sapat na sa kanya na masiyahan sa kanya ang Panginoon niya at purihin siya ng Poon Niya.
Samakatuwid siya ay isang tao na nagkatulad ang inihahayag niya at ang lihim niya. Siya ay sumasamba sa Panginoon nang sarilinan at nang lantaran, nakatitiyak nang lubusang katiyakan na si Allah ay nakababatid sa kinimkim ng puso niya at ibinubulong nito sa sarili niya. Nanaig ang pananampalataya sa puso niya at nadarama niya ang pagmamasid ng Panginoon niya sa kanya.
Sumuko ang mga kamay at ang mga paa niya sa Tagapaglalang ng mga ito. Kaya wala siyang ginagawang gawain sa pamamagitan ng mga ito kundi ang naiibigan ni Allah at kinasisiyahan Niya. Sumusuko siya sa Panginoon niya.
Nahumaling ang puso niya sa Panginoon niya kaya hindi siya nagpapatulong sa isang nilikha dahil sa kasapatan para sa kanya ni Allah. Hindi siya dumadaing sa tao dahil siya ay nagdulog ng pangangailangan niya kay Allah, at sapat na Siya bilang tagatulong. Hindi siya nangungulila sa isang pook at hindi natatakot sa isa man dahil siya ay nakaaalam na si Allah ay kasama niya sa lahat ng kalagayan niya. Siya ay sapat na sa kanya at kay inam na Tagaadya.
Wala siyang iniiwang utos na ipinag-utos ni Allah at hindi siya gumagawa ng pagsuway kay Allah dahil siya ay nahihiya kay Allah at kinasusuklaman niya na maiwala ang utos yamang ipinag-utos Niya sa kanya o masumpungan ang pagsuway yamang sinaway Niya sa kanya. Hindi siya nangangaway o lumalabag sa katarungan sa isang nilikha o hindi niya kinukuha ang ukol doon dahil siya ay nakaaalam na si Allah ay nakakikita sa kanya at na Siya ay magtutuos sa mga gawa niya.
Hindi siya nanggugulo sa mundo dahil siya ay nakaaalam na ang anumang nasa mundo na mga biyaya ay pag-aari ni Allah na ipinagamit Niya sa mga nilikha Niya. Samakatuwid siya ay kumukuha mula sa mga biyayang ito ayon sa sukat ng pangangailangan niya at nagpapasalamat sa Panginoon niya na nagpadali para sa kanya sa pagtamo ng mga ito.
Ang Buod
Tunay na ang nabanggit ko sa iyo at inilahad ko sa harap mo sa aklat na ito ay walang iba kundi mga mahalagang bagay at mga dakilang sandigan sa Islam. Ang mga sandigan na ito ay ang bagay na kapag sinampalatayanan ng tao at isinagawa ay magiging isang Muslim siya.
Ang Islam, gaya ng nabanggit ko sa iyo, ay isang relihiyon at isang mundo, at isang pagsamba at isang paraan ng buhay. Ito ay isang sistemang pandiyos, na masaklaw, na lubos na nasakop sa mga pagbabatas nito ang lahat ng kinakailangan ng kapwa individuwal at kalipunan sa lahat ng larangan ng buhay pampaniniwala, pampulitika, pang-ekonomiya, panlipunan at pangseguridad.
Makatatagpo rito ang tao ng mga panuntunan, mga saligan at mga patakaran na nagsasaayos sa kapayapaan, digmaan at mga obligadong karapatan, at nangangalaga sa karangalan ng tao, ibon, hayop at kapaligiran sa palibot niya. Nililinaw ng Islam sa kanya ang reyalidad ng tao, buhay, kamatayan, at pagkabuhay matapos ang kamatayan.
Matatagpuan rin ng tao sa Islam ang pinakaideyal na pamamaraan sa pakikitungo sa mga tao sa paligid niya, na tulad ng sabi Niya:
magsalita kayo sa mga tao ng maganda;
Ang sabi pa Niya:
at mga nagpapaumanhin sa mga tao
. at ang sabi pa Niya:
Huwag nga mag-uudyok sa inyo ang pagkasuklam sa ilang tao upang hindi kayo magmakatarungan. Magmakatarungan kayo; ito ay pinakamalapit sa pangingilag sa pagkakasala
.
Makabubuti sa atin, yamang nailahad na natin ang mga antas ng Islam at ang mga sandigan ng bawat isa sa mga antas nito, na bumanggit ng isang kaunting sulyap mula sa mga kagandahan nito.
- Tingnan ang Jámi‘ al-‘Ulum wa al-Hikam (Kalipunan ng mga Kaalaman at mga Karunungan), pahina 128.