Nahahati ang Sangkatauhan ayon sa mga relihiyon nila sa dalawang pangkat:
May isang pangkat na may kasulatan na ibinaba buhat kay Allah, gaya ng mga Hudyo, mga Kristiyano at mga Muslim. Ang mga Hudyo at ang mga Kristiyano dahilan sa hindi nila paggawa ng ayon sa nasaad sa mga kasulatan nila, dahilan sa paggawa nila sa mga tao bilang mga panginoon bukod pa kay Allah at dahilan sa pagtagal ng panahon ay nawalan ng mga kasulatan nila na ibinaba ni Allah sa mga propeta nila.
Kaya naman sumulat para sa kanila ang mga pantas nila ng mga kasulatan na iginiit nila na buhat daw kay Allah gayong ang mga ito ay hindi naman buhat kay Allah. Ang mga ito ay bunga lamang ng pamamlahiyo(1) ng mga bulaan at pamamaluktot ng mga nagpapakalabis.
Tungkol naman sa Aklat ng mga Muslim, ang Marangal na Qur’an, ito ang kahuli-hulihan sa mga makadiyos na kasulatan sa panahon ng paghahayag at ang pinakamatatag sa mga ito sa pagiging tipan. Gumarantiya si Allah sa pangangalaga nito at hindi Niya ipinagkati-wala iyon sa mga tao. Nagsabi Siya:
Tunay na Kami ay nagpababa sa Paalaala, at tunay na Kami rito ay talagang mag-iingat.
Ito ay napangalagaan sa pamamagitan ng mga pagkakasaulo at mga pagkakasulat dahil sa ito ang Huling Aklat na ginarantiyahan ni Allah ang pagpatnubay sa Sangkatauhang ito. Ginawa Niya ito na isang katwiran sa kanila hanggang sa pagdating ng Huling Sandali. Itinakda Niya para rito ang pananatili. Naghanda Siya para rito sa lahat ng panahon ng mga mangangalaga sa mga itinakda nito at mga titik nito, mga magsasagawa sa Batas nito, at mga sasampalataya rito. Darating ang karagdagang detalye tungkol sa dakilang Aklat na ito sa isang susunod na bahagi.(2)
May isang pangkat na walang kasulatan na ibinaba buhat kay Allah bagamat mayroon silang kasulatan na minana-mana na ikinapit sa tagapagtatag ng relihiyon nila gaya ng mga Hindu, mga Mago,(3) mga Budhista, mga Confucianista at gaya ng mga Arabe bago ang pagsusugo kay Muhammad (SAS).
Walang anumang kalipunan malibang mayroon itong kaalaman at gawain alinsunod sa ikapananatili ng mga kapakanan ng pangmundong buhay nila. Ito ay kabilang sa patnubay na pangkalahatan na inilagay ni Allah sa bawat tao ― bagkus sa bawat hayop din. Kung papaanong pinatnubayan Niya ang hayop sa pagtamo ng pakikinabangan nito na pagkain at inumin at sa pagtulak sa nakapipinsala rito, lumikha nga si Allah sa hayop ng pagkaibig sa isang bagay at pagkamuhi sa isang bagay.
Nagsabi si Allah:
Luwalhatiin mo ang pangalan ng Panginoon mo, ang Pinakamataas, na lumikha saka bumuo, na nagtakda saka nagpatnubay
, Nagsabi naman Siya tungkol sa sinabi ni Moises (AS) kay Paraon: “Ang Panginoon namin ay ang nagbigay sa bawat bagay ng anyo nito. Pagkatapos ay nagpatnubay Siya.” Nagsabi naman Siya tungkol sa sinabi ni Abraham (AS):
na lumikha sa akin, at Siya ay nagpapatnubay sa akin,(4)
Alam ng bawat nakauunawa, na may napakaliit na pagmamasid at pagmumuni, na ang mga kaanib ng mga kapaniwalaan ay higit na lubos sa mga kaalamang napakikinabangan at mga gawaing matuwid kaysa sa hindi kabilang sa mga kaanib ng mga kapaniwalaan.
Walang anumang mabuti na matatagpuan sa mga hindi Muslim na mga kaanib ng mga ibang kapaniwalaan malibang taglay ng mga Muslim ang higit na lubos kaysa roon. Taglay ng mga kaanib ng mga relihiyon ang hindi matatagpuan sa mga iba. Iyan ay dahil sa ang mga kaalaman at ang mga gawain ay dalawang uri:
Ang natatamo sa pamamagitan ng isip gaya ng Aritmetika, Medisina at Industriya. Ang mga bagay na ito ay taglay ng mga kaanib ng mga kapaniwalaan kung paanong ang mga ito ay taglay ng mga hindi kaanib. Bagkus ang mga kaanib ay higit na lubos kaysa sa mga hindi kaanib. Tungkol naman sa hindi malalaman sa pamamagitan ng lantay isip gaya ng mga kaalamang pandiyos at mga kaalamang panrelihiyon, ang mga ito ay natatangi sa mga kaanib ng mga relihiyon. Mayroon sa mga kaalamang ito na maaaring bigyan ng mga patunay na pangkaisipan. Ang mga sugo ay nagpatnubay at gumabay sa mga tao sa pag-papatunay ng mga isip sapagkat ang mga kaalamang ito ay isiniwalat at pinag-isipan.
Ang hindi malalaman kung hindi sa pamamagitan ng pagpapabatid ng mga sugo. Walang paraan sa pagtamo nito sa pamamagitan ng mga isip gaya ng kabatiran tungkol kay Allah, mga pangalan Niya at mga katangian Niya, tungkol sa Kabilang-buhay: ang lugod para sa sinumang tumalima sa Kanya at pagdurusa para sa sinumang sumuway sa Kanya, tungkol sa paglilinaw sa isinabatas Niya, tungkol sa kabatiran sa mga naunang propeta kasama ng mga kalipunan nila, at iba pa.(5)
- Pagkuha at paggamit na parang sariling pag-aari ang mga ideya, ang mga isinulat ng ibang tao, at iba pa. Ang Tagapagsalin.
- Tingnan ang pahina A-B, C-D ng aklat na ito.
- Mago ang isa pang tawag sa isang Mazdaista na kaanib ng relihiyong Mazdaismo. Ang Mazdaismo ay isang anyo ng Zoroasterianismo, ang relihiyong itinatag ni Zoroaster o Zarathustra na Persiano. Ang relihiyong ito ay naniniwala sa dalawang diyos na magkatunggali: ang diyos ng kabutihan at ang diyos ng kasamaan. Napakalaki ang pagpapahalagang idinudulot ng mga kaanib nito sa apoy anupat ang pagpapahalaga nila sa apoy ay nauwi na sa pagsamba nila sa apoy. Ang Tagapagsalin.
- Tingnan ang al-Jawáb as-Sahíh Fí Man Baddala Dín al-Masíh (Ang Tumpak na Sagot sa Sinumang Nagpalit sa Relihiyon ni Kristo), tomo 4, pahina 98.
- Tingnan ang Majmú‘ al-Fatáwá Shaykh al-Islám Ibnu Taymíyah (Katipunan ng mga Fatwá ng Guro ng Islam na si Ibnu Taymíyah), tomo 4, pahina 210-211.