Nagsabi ang Sugo (SAS): Bawat anak ni Adan ay mapagkamali at ang pinakamabuti sa mga mapagkamali at ang mga mapagbalik-loob.(1) Ang tao ay mahina sa sarili niya, mahina sa pagtitika niya at pagpapasya niya. Hindi niya nakakaya na dalhin ang resulta ng pagkakasala niya at pagkakamali niya.
Kaya naman nagpagaan si Allah sa tao bilang awa sa kanya. Isinabatas Niya para sa kanya ang pagbabalik-loob. Ang katotohanan ng pagbabalik-loob ay ang pagtigil sa pagkakasala dahil sa kapangitan nito dala ng pangamba kay Allah at pag-asa sa inihanda Niya sa mga lingkod Niya, ang pagsisisi sa anumang pagpapabaya mula sa kanya, ang pagpapasya sa pagtigil sa panunumbalik, at ang pagtutumpak sa anumang natira sa buhay sa pamamagitan ng mga matuwid na gawa.(2)
Samakatuwid ito, gaya ng nalalaman mo, ay isang purong gawaing pampuso sa pagitan ng tao at ng Panginoon niya, na walang pagod para sa kanya ni pagkapagal, at walang pagpapakahirap sa isang mabigat na gawain. Ito ay gawain ng puso at pagkalas sa pagkakasala at hindi pagbalik doon. Sa pagpipigil ay may pagtigil at kapahingahan.(3)
Samakatuwid hindi mo kakailanganin na magbalik-loob sa kamay ng tao na maaaring magbuko sa iyo, magbunyag sa lihim mo at magsamantala sa kahinaan mo. Ito ay isang pakikipagsarilinan lamang sa pagitan mo at ng Panginoon mo. Hihingi ka ng tawad sa Kanya at hihingi ka ng patnubay sa Kanya, tatanggapin Niya naman ang pagbabalik-loob mo.
Samakatuwid sa Islam ay walang manang kasalanan at walang hinihintay na tagapagligtas sa kasalanan ng mga tao. Gaya nga ng nasumpungan ng dating Hudyo na Austriano na napatnubayan sa Islam na si Muhammad Asad kung saan nagsabi siya:
“Hindi ko nakaya na makasumpong sa alinmang bahagi ng Qur’an ng alinmang pagbanggit sa pangangailangan sa kaligtasan sa [manang] kasalanan. Sa Islam ay walang manang kasalanan na humahdlang sa pagitan ng individuwal at kahahantungan niya. Iyon ay dahil sa
walang ukol sa tao kundi ang pinagpunyagian niya,
Hindi hinihiling sa tao na maghandog ng alay o patayin ang sarili niya upang mabuksan sa kanya ang mga pinto ng pagbabalik-loob at makapagwaksi ng kasalanan.”(4)
Bagkus gaya nga ng sinabi ni Allah:
na hindi papasanin ng isang pumapasan ang kasalanang pasanin ng iba,
Ang Pagbabalik-loob ay may mga dakilang epekto at bunga. Babanggitin natin ang ilan sa mga ito:
Na malalaman ng tao ang lawak ng pagtitimpi ni Allah at ng pagkamapagbigay Niya dahil sa pagtatakip Niya. Kung sakaling niloob Niya ay talagang minadali na Niya sana siya dahil sa pagkakasala niya at talagang ibinuko na Niya sana siya sa mga lingkod Niya, kaya hindi magiging kaaya-aya para sa kanya na mamuhay kasama nila. Bagkus ay pinarangalan Niya siya sa pamamagitan ng pagtatakip Niya, binalot Niya siya ng pagtitimpi Niya, at inayudahan Niya siya ng kapangyarihan, lakas, panustos at pagkain.
Na malalaman niya ang reyalidad ng sarili. Ito ay isang kaluluwang palautos sa kasamaan. Ang anumang namutawi mula rito na kasalanan, pagkakasala at pagkukulang ay isang patunay sa kahinaan ng kaluluwa at kawalang kakayahan nito sa pagtitiis laban sa mga ipinagbabawal na hilig nito. Walang kalayaan ito sa pangangailangan kay Allah — isang kisap mata man — upang dalisayin Niya ito at patnubayan Niya ito.
Isinabatas ni Allah ang pagbabalik-loob upang matamo sa pamamagitan nito ang pinakadakila sa mga kadahilanan ng kaligayahan ng tao: ang pagpapakanlong kay Allah at ang pagpapatulong sa Kanya. Natatamo rin sa pamamagitan nito ang mga uri ng panalangin, pagsusumamo, pamamanhik, pagdulog, pag-ibig, pangamba at pag-asa. Kaya napapalapit ang kaluluwa sa Tagapaglikha niya sa isang pagkakalapit na natatangi, na hindi naganap sa kanya nang walang pagbabalik-loob at pagpapakanlong kay Allah.
Na magpapatawad si Allah sa Kanya sa anumang nagdaan na pagkakasala niya. Nagsabi si Allah:
Sabihin mo sa mga tumangging sumampalataya na kung titigil sila ay magpapatawad sa kanila sa anumang pagkakasalang nakalipas na;
Na papalitan ang mga masagwang nagawa ng tao ng mga maganda. Nagsabi si Allah:
Maliban sa sinumang nagbalik-loob, sumampalataya at gumawa ng gawang matuwid sapagkat ang mga iyon ay papalitan ni Allah ang mga gawang masagwa nila ng gawang maganda. Si Allah ay laging Mapagpatawad, Maawain.
Na pakikitunguhan ng tao ang mga kalahi niya―sa kabila ng paggawa nila ng masama sa kanya at mga mali nila sa kanya―ng iibigin niyang ipakikitungo ni Allah sa kanya sa kabila paggawa niya ng masama, mga mali niya at mga pagkakasala niya sapagkat ang ganti ay kauri ng ginawa. Kaya kapag pinakitunguhan niya ang mga tao ng ganitong magandang pakikitungo ay sasailalim din siya sa tulad nito mula sa Panginoon niya. Tutumbasan ni Allah ang paglapastangan niya at ang pagkakasala niya ng pagmamagandang-loob gaya noong itinutumbas niya sa paglapastangan ng mga tao sa kanya.
Na nalalaman niya na ang sarili niya ay maraming mali at kapintasan, kaya nag-oobliga sa kanya iyon ng pagpigil sa pagpuna sa mga kapintasan ng mga tao. Magpapakaabala siya sa pagpapabuti sa sarili niya sa halip na pag-isip-isipan ang mga kapintasan ng mga iba.(5)
Wawakasan ko ang paksang ito sa pamamagitan ng balita ng isang lalaki na pumunta sa Propeta (SAS) at nagsabi: O Sugo ni Allah, walang akong iniwan na maliit na pagsuway ni malaking pagsuway malibang ginawa ko. Nagsabi siya nang tatlong ulit: Hindi ka ba sumasaksi na walang totoong Diyos kundi si Allah at na si Muhammad ay Sugo ni Allah? Nagsabi ito: Hindi po. Nagsabi siya: [Ang pagsaksing] iyan ay pupuksa sa [pagkakasalang] iyon. Sa isa namang salaysay: Tunay na [ang pagsaksing] ito ay pupuksa sa lahat ng [pagkakasalang] iyon.(6)
Sa isa pang salaysay ay nasaad: Na may pumuntang isang lalaki sa Sugo ni Allah (SAS) at nagsabi: Ano po ang tingin mo sa isang lalaki na gumawa ng lahat ng pagkakasala ngunit hindi nagtambal kay Allah, pagkataas-taas Niya, ng anuman at siya sa [sandaling] iyon ay hindi nag-iiwan ng isang maliit na pagsuway o malaking pagsuway malibang kinukuha niya ito sa pamamagitan ng kanan niya. Kaya may pagtanggap ba ng pagbabalik-loob para roon?
Nagsabi siya: Yumakap ka ba sa Islam? Nagsabi ito: Tungkol naman sa akin, sumasaksi ako na walang totoong Diyos kundi si Allah lamang: wala Siyang katambal, at na ikaw ay Sugo ni Allah. Nagsabi siya: Oo! Gagawin na mo ang mga mabuti at iiwan mo na ang mga masama. Gagawin ang mga ito ni Allah, kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan, para sa iyo bilang mga kabutihan lahat.
Nagsabi ito: [Pati] ang mga pandaraya ko at ang mga kahalayan ko? Nagsabi siya: Oo. Nagsabi ito: Si Allah ay pinakadakila. Hindi ito tumigil sa pagdakila hanggang sa naglaho ito.(7)
Samakatuwid ang Islam ay nagpapawalang-kabuluhan sa nauna rito at ang tapat na pagbabalik-loob ay papawi sa naunang [kasalanan] dito, gaya ng pinagtibay ayon doon ng Hadíth buhat sa Propeta (SAS).
- Isinalaysay ito ni Imám Ahmad sa Musnad niya, tomo 3, pahina 198; ni Imám at-Tirmidhí sa Sunan at-Tirmidhí sa Abwáb Sifah al-Qiyámah, tomo 4, pahina 49; at ni Ibnu Májah sa Kitáb az-Zuhd, tomo 4, pahina 491.
- Al-Mufradát Fí Gharíb al-Qur’án (Ang Bokabularyo ng Bihirang Salita ng Qur’an), pahina 76.
- Al-Fawá’id (Ang mga Pakinabang) ni Ibnu al-Qayyim, pahina 116.
- The Way to Islam, ni Muhammad Asad, pahina 140.
- Tingnan ang Miftáh Dár as-Sa‘ádah (Ang Susi sa Tahanan ng Kaligayahan), tomo 1, pahina 358-370.
- Isinalaysay ito ni Abú Ya‘lí sa Musnad niya, tomo 6, pahina 155; ni at-Tabrání sa al-Mu‘jam al-Wasít, tomo 7, pahina 132; sa as-Saghír, tomo 2, pahina 201; sa ad-Diyá’ Fí al-Mukhtárah, tomo 5, pahina 151-152. Sinabi niya na ang kawing ng pagkasalaysay nito ay tumpak. Sinabi niya sa al-Mujamma‘, tomo 10, pahina 83: Isinalaysay ito ni Abú Ya‘lí, ni al-Barráz na tulad nito, ni at-Tabrání sa as-Saghír at al-Awsát. Ang mga mananalaysay nito ay mga mapananaligan.
- Isinalaysay ito ni Ibnu ‘Ásim sa al-Áhad wa al-Mathání, tomo 5, pahina: 188; at ni at-Tabrání sa al-Kabír, tomo 7, pahina 53 at pahina 314. Nagsabi si al-Haythamí sa al-Mujamma‘, tomo 1, pahina 32: Isinalaysay ito ni at-Tabrání at ni al-Barráz na tulad nito. Ang mga mananalaysay ni al-Barráz ay mga mananalaysay na tumpak maliban kay Muhammad ibnu Hárún Abí Nashít.