Ang Iba Pa
Yaon ay panahon na ako ay nasa paghahanda para sa aking masteral degree
nang unang beses akong makarinig ng patungkol sa Quran. Hanggang sa
panahong yaon, gaya ng karamihan sa mga Amerikano, ang tanging alam ko
patungkol sa mga “Arabo” ay ang pagiging misteryoso, mga maninila na
nariyan upang salakayin ang ating kabihasnan. Ang Islam ay hindi
kailanman nabanggit – tanging ang masasama, maruruming mga Arabo, mga
kamelyo at mga tolda sa disyerto. Bilang isang bata na nasa pag-aaral ng
relihiyon, madalas akong mapaisip kung sino ang ibang mga tao? Si Hesus
ay naglakad sa Caana at Galilee at Nazareth, ngunit mayroon siyang
bughaw na mga mata — sino pa ang ibang mga tao? Naunawaan ko na mayroong
nawawalang kaugnayan sa ibang lugar. Noong 1967, sa panahon ng sigalot
sa pagitan ng mga Arabo at Israelita, nagkaroon kaming lahat ng unang
sulyap sa ibang mga tao, at sila ay malinaw na itinuturing ng marami
bilang kaaway. Ngunit para sa akin, gusto ko sila, at yan ay sa walang
malinaw na dahilan. Hindi ko ito maipaliwanag, liban na lamang na
maunawaan ngayon na sila ay aking mga kapatid na Muslim.
Ako ay nasa edad na 35 nang mabasa ko
ang unang pahina ng Quran. Binuksan ko ito sa layunin ng simpleng
pagsasaliksik para maging pamilyar sa relihiyon ng mga nananahan sa
rehiyon kung saan ako nag-aaral ng aking masteral degree. Ipinangyari ng Diyos na mabuksan ko ang aklat sa Surat al-Mu'minun (Ang Tunay na Naniniwala), sa ika-52 hanggang 54 na talata:
“Katotohanan, itong inyong relihiyon ay isang relihiyon, at Ako ang inyong Panginoon, kaya matakot kayo sa Akin. Subalit, kanilang pinaghati-hati ang kanilang relihiyon sa iba't-ibang bahagi - bawat pangkat ay nangagdiriwang sa anumang nasa kanila. Kaya, hayaan sila sa kanilang kalituhan hanggang sa takdang panahon.” (Quran 23:52-54)
Mula sa unang pagbabasa, batid ko na
ito ay tiyak na katotohanan - malinaw at malakas na pwersa, na
naglalantad ng katangian ng sangkatauhan at kinukumpirma ang lahat ng
aking mga napag-aralan bilang isang major sa Kasaysayan. Ang
kalunos-lunos na pagtanggi ng sangkatauhan sa katotohanan, ang kanilang
walang tigil na walang kabuluhang pagpapaligsahan na maging espesyal at
ang kanilang kapabayaan sa layunin ng kanilang buhay, lahat ay
ipinahayag sa ilang mga salita. Ang mga estado ng nasyon, mga
nasyonalidad, mga kultura, mga lenggwahe - lahat ay nag-aakalang mas
nakahihigit, gayung sa katunayan, lahat ng mga pagkakakilanlang ito ay
nagtatakip lamang sa realidad na dapat nating pagsaluhang ikagalak - yan
ay ang maglingkod sa iisang Panginoon, ANG NAG-IISA NA SIYANG Lumikha
ng lahat ng bagay at Siya na Nagmamay-ari ng lahat ng bagay.
Si Hesus at Maria ay Mahal ko pa rin
Noong ako ay bata pa, nakasanayan
kong sabihin ang pariralang “Santa Maria, ina ng Diyos, ipanalangin mo
kaming mga makasalanan, ngayon at kung kami'y mamamatay, Amen,” na
matatagpuan sa panalangin na “Aba Ginoong Maria”. Nakita ko na ngayon
kung gaano siniraan ng puri si Maria sa pamamagitan ng maling
pagpapakahulugan sa kanya bilang ina ng Diyos. Sapat nang ituring siya
bilang pinili sa lahat ng mga kababaihan upang magdala sa
kahanga-hangang propetang si Hesus sa pamamagitan ng panganganak na
birhen. Ang aking ina ay madalas na ipaglaban ang kanyang patuloy na
pagsamo sa tulong ni Maria sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na siya rin
ay isang ina at nauunawaan niya ang lumbay ng isang ina. Mas magiging
kapaki-pakinabang para sa aking ina at sa iba pa na pagbulay-bulayan
kung gaanong ang pinaka dalisay na si Maria ay siniraang-puri ng mga
Hudyo sa kanyang kapanahunan at pinaratangan ng isang kasuklam-suklam na
kasalanan, ang pakikipag-talik nang hindi kasal. Dinala itong lahat ni
Maria, sa kaalaman na ipagtatanggol siya ng Pinaka-Makapangyarihang
Diyos, at na siya ay bibigyan ng lakas na makayanan ang lahat ng
kanilang paninirang-puri.
Ang pagkilalang ito sa
panananampalataya at paniniwala ni Maria sa habag ng Diyos ay
magpapahintulot sa isang tao na kilalanin siya sa kanyang mataas na
posisyon sa mga kababaihan, at gayun din na tanggalin ang
paninirang-puri sa pagtawag sa kanyang 'ina ng Diyos', na isang
napakasamang paratang kaysa sa ginawa ng mga Hudyo sa kanyang
kapanahunan. Bilang isang Muslim, maaring mong mahalin si Maria at
Hesus, ngunit ang higit na pagmamahal sa Diyos ay magdadala sayo sa
Paraiso, dahil Siya ang Nag-iisa na dapat mong sundin ang mga kautusan.
Siya ang huhusga sayo sa araw na walang sinumang makakatulong sa iyo.
Siya ang Lumikha sayo, kay Hesus at sa kanyang inang si Maria, katulad
ng Kanyang pagkakalikha kay Propeta Muhammad. Lahat ay namatay at
mamamatay - Ang Diyos ay hindi kailanman mamamatay.
Si Hesus ('Isa sa lenggwaheng Arabe)
ay hindi kailanman nag-angkin na siya ay Diyos. Sa halip, paulit-ulit
niyang tinukoy ang kanyang sarili bilang 'isinugo'. Sa aking
pagbabalik-tanaw sa pagkalitong naranasan ko sa aking kabataan, ito ay
nag-ugat sa pag-aangkin ng simbahan na si Hesus ay higit pa sa kanyang
sinabi. Ang mga pinuno ng simbahan ay bumuo ng doktrina para imbentuhin
ang konsepto ng Trinity (tatlong persona). Ito ay ang magulong
pagsasalin ng orihinal na Torah at Injil (ang mga kapahayagan na
ibinigay kay Moises at Hesus) na siyang nasa sentro ng usapin sa Trinity.
Sa matapat na katotohanan, sapat nang
sabihin na si Hesus ay isang propeta, oo tama, isang sugo na dumating
na may dala-dalang salita ng Nag-iisa na Siyang Nagsugo sa kanya. Kung
ating titingnan si Hesus, mapasakanya ang habag at pagpapala ng
Tagapaglikha, sa kanyang tamang kahalagahan, magiging madali ang
pagtanggap kay Muhammad, mapasakanya ang habag at pagpapala ng
Tagapaglikha, bilang kanyang nakababatang kapatid na dumating para sa
parehong misyon - ang anyayahan ang lahat tungo sa pagsamba sa
Nag-iisang Pinaka-Makapangyarihan sa lahat, na Siyang Lumikha ng lahat
at sa Kanya na tayong lahat ay magbabalik. Walang kahihinatnan o ano pa
man ang pagtalunan ang kanilang pisikal na kaanyuan. Ang mga Arabo,
Hudyo, Caucasian, asul o kulay-tsokolateng mga mata, mahaba o maiksing
buhok - lahat ay walang kaugnayan sa kanilang kahalagahan bilang
tagapaghatid ng mensahe. Sa tuwing iniisip ko si Hesus ngayon, matapos
kong malaman ang Islam, naramdaman ko ang koneksyon ng pagiging malapit
katulad ng pakiramdam ng isang tao sa isang masayang pamilya - pamilya
ng mga mananampalataya. Nakita mo, si Hesus ay isang “Muslim”, isang tao
na nagpapasakop sa Kanyang Panginoong nasa Kaitaas-taasan.
Ang una sa “Sampung Kautusan” ay nagsasaad:
1. Ako ang Panginoon mong Diyos, huwag kang magkaroon ng ibang Diyos maliban sa Akin.
2. Huwag mong gamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ng Diyos.
Sinumang nakababatid sa tamang
kahulugan ng “la ilaha ila-llah” (walang ibang Diyos maliban sa
Natatanging Diyos) ay agad na mapapansin ang pagkakapareho sa
testimonyang ito. Pagkatapos ay maari na nating umpisahan na pagsamahin
ang tunay na kwento ng lahat ng mga propeta at bigyang wakas ang mga
kabaluktutan.
“At sila ay nagsasabi: “Ang Natatanging Tagapaglikha na Pinakamahabagin ay nagkaroon ng anak na lalaki!” Katiyakan, nakagawa kayo, O kayo na mga nagsasabi nito, ng napakalaking kalapastanganan. Na halos mawarak ang mga kalangitan dahil sa napakasidhing kalapastanganang ito, at ang kalupaan ay magkabiyak-biyak mula sa ilalim, at ang kabundukan ay malansag sa pagkaguho.” (Salin ng kahulugan ng Quran 19:88-90)